
Travel Scribbles
Kapag na-establish na ang routine, ang isang pagliko ay nanganganak ng isa, at isa pa hanggang makarating sa paroroonan.

Una
Darating din tayo sa punto na iyon. Na kakausapin natin ang mga tao sa paligid natin. Na may darating na pagkakataon kung saan ang isang tao ay darating sa buhay natin. Magbibigay ng kulay, siguro.

Pagdapo
May isang paru-parong dumapo sa isang bulaklak. Pero hindi sapat ang tamis na nakuha. Kaya naman, dumapo siya sa iba. Lumipat pa sa kabila. Hanggang sa lumipad na paalis.

Pakikipagkapwa-tao
Sa barangay, humingi ng trabaho. Anong trabaho? Kahit ano basta malinis at marangal. Katuwang ni kagawad sa lahat ng gawain. May pagkain sa mesa, makikain, mag-uwi sa pamilya. Pakikipagkapwa-tao. Malabo ang batas.
March 8, 2019 (Sulat para sa sarili.)
​
Ang hirap palang humanap ng trabaho, ano? Una, sasalain ang trabaho base sa lugar, nature of work, tapos sweldo. Karamihan ng job postings ay nasa Manila. Ayoko sa Manila, kaya kumukonte ang choices. Sana ay sa NGO o private company naman ako makapagtrabaho-- graphics sana kung sa office magtatrabaho o field-based para makabyahe pa rin. Pero mukhang maalat din. Project management o assistance ang hanap nila. O kaya ay government position ang offered.
​
Mula sa countless applications, may mga tumawag rin naman para sa isang written assessment. Pero lumagpas ang pagkakataon. Hindi pumasa dahil nangangalawang na? Hindi nabasa kaagad ang notice? O walang pondo para lumuwas at magpa-interview.
​
Minsan naisip ko, hindi ba ako qualified sa trabahong pinag-aapplyan? Bakit parang hindi nakaka-jackpot? Anong kulang? Anong klaseng repackaging ang gusto ng mga kumpanya para i-hire ka?
​
Hindi ako bumabyahe sa ibang lugar nitong nakaraang tatlong bwan. Kinikilalang muli ang syudad kung saan ako nagkamuwang. Nung una nakakalungkot ang bumalik dahil iba na siya kumpara sa pagkakaalala ko. O di naman kaya ay magkaiba na kami ng buhay ng mga kababata. Ngayon, habang tumatagal, may mga daan pa pala akong madadaanan, may mga puno pang hindi nasisilayan, at mga parkeng matatambayan.