
Mt. Kalugong
Madalas magyayang mamasyal ang mga bata. Pero dahil gusto kong makatipid, hindi sa mall kundi sa bundok ko sila dinala.
​
Sa unang beses naming pagbisita, madilim pa niyon at mukhang sarado pa ang daan. Natatakot na ung mga kapatid ko kasi masukal at matataas ang mga damo. Maputik pa niyon kasi kauulan noong gabi. "Ate baka may aso." "Ate baka makagat tayo ng ahas." "Ate bumalik na tayo." Siguro hindi iyon ang daan. Hindi nga (hehe) kaya nag-back trail kaming apat. At sa wakas narating na rin namin ang pribadong bundok bago sumikat ang araw.
​
Takot sa heights ang mga kapatid ko pero willing silang mag-pose para sa magandang picture (hehe). At dahil typical millennial ang isa kong kapatid, mahilig siyang mag-selfie. Nga lang nabinyagan ang bago niyang cellphone nang mabasag ang screen sa pagtalon sa isang bato. Imbes na maawa kami, tinawanan lang namin siya sabay sabing, "Yan kasi." Ang babait namin ano?
​
Sa pangalawang pamamasyal, mas malalaki na ang mga kapatid ko. Kasama na rin namin ang mga pinsang tagapatag. Konting lakad, hingal, pahinga, inom ng tubig. Lakad uli, pagod, kain."Ate napasubo kami ah." Ako rin ata napasubo dahil nagkulang ang dala kong pera dahil nagmahal ng 70% ang environmental fee. Inutangan ko pa ung mga bata para makapasok lang kami.
​
Pag-uwi, hindi ko natantyang malayo pala talaga ang lugar para lakarin. Magtatanghalian na niyon at malayo pa ang ATM. Sama-sama naming nilakad ang bayan. Sama-sama naming nilanghap ang usok ng trak, jeep at taxi. Sama-sama naming tiniis ang init ng daan at ng araw.
​
May consolation naman ang lahat ng iyon. Nag-jollibee kami, unli order, para hindi nila ako isumbong sa mga nanay nila (hahaha!). Hanggang ngayon natatawa pa rin ako sa mga nangyari sa amin. (*Insert face palm*)